Tatlong araw na ako pabalik-balik sa ospital. Tatlong beses na pinaulit-ulit ang x-ray, at kapag tinatanong ko ang mga bobong staff ng private hospital dito kung bakit nagtagal ng ganito, wala naman matinong maisagot sa akin. Laging sinasabi na kausapin ko raw ang doktor, at kapag hinahanap ko naman ang doktor na nag-request ng paulit-ulit na x-ray, lagi naman wala at balikan ko na lang daw kinabukasan.
Normal naman ang resulta ng aking medical tests. Ang isang medyo sumablay ay yung x-ray nga. Tanda ko pa noong isang taon, wala naman ako naging problema sa x-ray, kahit ilan taon na akong naninigarilyo ok pa rin ang baga ko. Ang pinagtataka ko lang, bakit sa loob ng isang taon eh biglang bumulaga sa medical report ko ito:

Yan ang dahilan kung bakit hindi ako makapag-renew ng working documents. Kailangan daw na alamin pa ng maayos kung ano talaga ito, at kung magiging sagabal sa aking trabaho. Logic tells me this is something I shouldn’t be worried at all. “MILD” eh di ba? Pero teka kung mild, eh bakit 3 days na hindi pa rin ako makakuha ng clearance??
Nag-desisyon ako na alamin sa sarili ko kung ano ba talaga ang maaring kinahaharap kong sakit, kung may sakit nga ba ako o wala, kung gaano kalala ito at kung dapat ba akong kabahan..
Punyeta wala akong makitang maayos na kasagutan sa internet tungkol sa ‘Fibrotic Change’ at ang pinakamalapit na eh yung “Pulmonary Fibrosis”. Nakupow, kung pareho yun, ito na yata ang simula ng katapusan ko. Base sa aking mga nabasa, hindi lang daw smoking ang cause nito. Exposure to bacteria, dust at harmful chemicals. Naku, eh di ba yan ang nature ng trabaho ko? Ang magababad sa araw at suminghot ng kung anu-anong bagay. At hindi raw basta basta nagagamot ang sakit na ito, at ang pinaka da best na lunas eh lung transplant. Bwahahahaha! San ako kukuha ng donor?? At maging successful man ang transplant, meron akong 2-3 years para mabuhay. Ayus! Tapos ang maliligayang araw ko.
Pero seryoso, hindi naman ako sigurado kung yung resulta ko nga eh pareho ng lintek na Fibrosis na yan. Dahil babalik na naman ako bukas para sa isa pang opinyon ng ibang doktor. At sigurado ako na paiikutin lang ulit ako nun, at pababalikin ulit kinabukasan. Gusto ko ng malaman kung ano ba talaga ito, dahil sa buong buhay ko, ngayon lang ako kinabahan ng todo. Hindi para sa sarili ko, kundi para sa mga mahal sa buhay.
At hindi ko yata kayang tanggapin na kung sakali mang tama ang aking hinala, eh ganito na lang matatapos ang buhay ko. Ayokong mawala sa mundo dahil sa sakit. Korny! Umaasa pa rin ako na kung magdedesiyon si Lord na kukunin na nya ako, yung tipong dramatic at astigin naman ang dating. Yung tipong “killed in a drive by shooting while protecting an innocent bystander” o kaya “killed in a shootout with lawless elements, trying to protect life and property”, yung ganun. Pero hindi pa ngayon! Bata pa ako at mas lalong bata pa ang anak ko.
Pahinga muna ako sa blogging. Sisilip-silip ako dito paminsan minsan, pero wag nyo munang asahan na may bago akong entry. Nakukulta ang utak ko. Kailangan ihanda ko muna ang sarili ko sa haharapin ko bukas, at sa mga susunod pa na araw…
































Recent Comments